Pangarap ko po maging kapwa!
Teacher: Okay class, ano ang gusto nyo maging balang araw?
Student 1: Gusto ko po maging doktor para manggamot ng kapwa!
Student 2: Gusto ko po maging sundalo para protektahan ang kapwa!
Student 3: Gusto ko po maging abogado para ipagtanggol ang kapwa!
Teacher: Okay, ikaw anong pangarap mo?
Student 4: Pangarap ko po maging kapwa!
Luma na yang joke na yan. Una kong nabasa yan noong elem ako, sa isang lumang joke book kasama ng iba pang erap jokes at mga pipitsugin na horror books. Hindi ako yung tipong palabirong bata noon. Mahilig ako magbasa ng joke book hindi para matawa o magamit sila sa mga kwentuhan, natutuwa lang talaga ako dahil tingin ko merong kakaibang talinong nakatago sa mga biro. Hindi naman talaga ako natatawa sa mga banat noon, kaya hindi ko sila makunsidera na “funny” at hindi pa uso noon ang salitang witty kaya hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa iba ang kakaibang klase ng pag-appreciate ko sa mga jokes.
Yung excerpt sa taas ang isa sa mga kauna-unahang jokes na sineryoso ko. Hindi ko malalaman na joke yon kung walang joke na nakalagay sa pabalat ng libro. Ang una ko kasing naisip nung nabasa ko yan e “tama nga naman!”
Sa murang edad nadiskubre ko na agad kung anong pangarap ko sa buhay. Maaga pa lang sinasabi na ng nanay ko na ang mundo ay nangangailangan ng mga pambalanse. Walang silbi ang barbero kung lahat ng tao kalbo. Walang silbi ang doktor kung walang magkakasakit. At walang rason ang pagtulong kung walang tutulungan. Kaya naman noon pa lang ay naisip ko nang isa ako sa mga taong makikinabang sa ibang tao.
Pagkalipas ng ilang taon ay tuluyan ko nang nakalimutan ang pag-iisip na ganyan. Nakita ko kasi na maraming nangangailangan ng tulong, at konti ang tumutulong. Naramdaman ko na kahit papano’y may responsibilidad ako punan ang kakulangan na yan. Sabi nga naman kasi ng nanay ko, kailangan ng pambalanse sa mundo. Kung nawawala ang balanse dahil sa dami ng mga gahaman na negosyante, kurap na pulitiko, at mapang-aping mga pulis, aba dapat nga lang naman na mag-effort ako na maging isa sa mga magpapantay ulit ng baluktot na timbangan ng hustisya.
Pero marahas ang buhay. Maraming pagkakataon na kahit may kagustuhan tayong tumulong, hindi akma ang sitwasyon para may maiambag na mabuti sa lipunan. Mas malakas ang puwersa ng matatandang pumipigil sa hangarin ng kabataang mapabuti ang mundo. Sa realisasyon na yan ako nanumbalik sa dati kong hangarin. Siguro hindi ako ang tamang tao para bumalanse sa mundo. Masyado nang mabigat ang dalahin ko at hindi nito mapapagaan ang bigat ng ibang tao.
Tingin ko ay ramdam din ‘to ng karamihan. Meron kasing pressure sa atin na maging mga munting bayani dahil tayo daw ang kinabukasan ng bayan. Hindi lahat ng tao ay ginawa para maging inhinyero, abogado, doktor, o sundalo. Marami sa atin ang pangkaraniwang tao lamang na limitado ang oras at puhunan para magkaron ng malaking epekto sa bayan.
Sa pagmumuni ko sa mga bagay na ‘yan, tsaka ko naisip na ang pagiging kapwa ay hindi mali. Ang punto man ng joke sa itaas ay gahaman si student 4, tingin ko isang marangal na bagay parin ang pangangarap na maging isang kapwa. Marangal parin ang kahit gaano kasimpleng pamumuhay, kahit pa man maging janitor, o freelancer, o staff, employee, call center agent, at iba pang trabaho na tayo ay “magiging” balang araw.
Ayon kay Virgilio G. Enriquez, isang batikan na social psychologist sa pilipinas, ang “kapwa” daw ay hindi lang basta katumbas ng “others” o “neighbor” sa ingles. Ang kapwa ay isang shared inner self.
“Kapwa is a recognition of a shared identity, an inner self, shared with others. This Filipino linguistic unity of the self and the other is unique and unlike in most modern languages. Why? Because implied in such inclusiveness is the moral obligation to treat one another as equal fellow human beings. If we can do this — even starting in our own family or our circle of friends — we are on the way to practice peace. We are Kapwa People.”
— Professor Virgilio Enriquez, founder of Sikolohiyang Pilipino.
Ang kapwa ay mula sa dalawang bagay. “Ka-” bilang tunog na nangangahulugan ng isang uri ng relasyon (ex: ka-trabaho, ka-klase), at “Pwa” na pinagigsing tunog ng “puwang” na nangangahulugang “space”. Ibig sabihin nito ay nangangahulugan ang kapwa na ka-puwang. At dahil kapwa natin ang isa’t isa, ibig sabihin nito ay tayong lahat ay magkasama sa puwang, at tayo din ang kumukumpleto sa puwang ng isa’t isa.
Biruin mo (pun intended), ang biro na nakakalat lang sa sampung pisong joke book (mura lang dahil 2009 pa ‘yon), ay syang nakaapekto sakin at napasearch pa nga ako sa mga pang malalimang social psychology stuff nila Virgilio Enriquez at Katrin de Guia.
Kaya tingin ko ay di lang basta pagiging ordinaryo ang pagiging kapwa. Ang pagiging kapwa ay ang pakikisama natin at pakikipamuhay sa lahat ng tao. Kahit pa man ikaw ay isang taong pala-aral, matalino, matapang, at mabait, at meron kang pangarap na tumulong sa kapwa, mahalagang tandaan natin na hindi mo buhat ang mundo at hindi ikaw ang makakalutas ng lahat ng problema ng ibang tao. Dahil tulad nila, problemado din tayo, at kakailanganin din natin ang tulong ng iba.
Kailangan nating patuloy na mangarap na maging kapwa. Dahil ibig sabihin nito’y parte tayo ng sangkatauhan, na pumupuno, kumukumpleto, at nakikisama, sa puwang ng mundo.